MANILA, Philippines - Tatlong katao ang nasawi kabilang ang isang ABC president at dalawang paslit habang 31 iba pa ang nasugatan sa naganap na karambola ng limang sasakyan kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng Andaya highway sa Lower Sta. Cruz, Ragay, Camarines Sur.
Kinilala ang mga nasawi na sina Association of Brgy. Captain (ABC) Municipal President Joseph Cater; Allejandro Purca, 8, ng Brgy. Lower Sta. Cruz; at Alea Saraza, 4, ng Brgy. Poblacion Ilaod.
Kabilang naman sa 31 nasugatan ay ang tatlong pulis na nakilalang sina PO3 Roberto Ferrer; PO1 Ronald C. Tabayan; at PO1 Romeo Dela Vega Jr., pawang nakadestino sa Ragay PNP Station at iba pa.
Batay sa ulat, dakong alas 6:00 ng gabi ay nagresponde ang mga pulis sa banggaan na kinasasangkutan ng motorsiklo at tricycle.
Habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga pulis ay abala si Cater sa pagkuha ng larawan sa tabi ng highway nang sumulpot ang isang rumaragasang dump truck (ABQ-113) na puno ng buhangin na minamaneho ni Jose Sinfuego, JR., 33, residente ng Brgy. Sta. Teresita, Baao, Camarines Sur ang nawalan ng kontrol at tuluy-tuloy na sinalpok ang patrol car ng pulis na kung saan nandoon si Cater at nasalpok din ang Volante Bus Line (EVN-790) na minamaneho ni Joselito Beato ,42 at isa pang Mitsubishi Adventure (VFA-920) na minamaneho ni Melvin Estrope ng Bgy. Caima, Sipocot, Camarines Sur.
Ang mga nasugatan ay dinala na sa pagamutan sa Naga City at Ragay District Hospital para malapatan ng lunas.