MANILA, Philippines – Dahil sa tangkang pakikipagnegosasyon at paggamit ng impluwensiya para maipalabas ang nasa P100 milyong halaga ng smuggled na asukal mula Thailand ay dapat sampahan ng kasong smuggling ng Bureau of Customs (BOC) si dating Land Transportation Office (LTO) chief Virginia Torres.
Sinabi ni Senator Chiz Escudero dapat magpahatid ng matinding mensahe ang administrasyon na seryoso ito na labanan ang smuggling kahit pa sangkot ang isang dating opisyal ng gobyerno.
Kung may matibay anya na ebidensiya laban kay Torres marapat na sampahan ito ng kaso dahil sa sinasabing pakikipag-negosasyon at tangkang paggamit ng impluwensiya.
Nauna ng sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr. noong Linggo na kung talagang may ebidensiya na gumawa ng ilegal na bagay si Torres, dapat sampahan ng kaso.
Niliwanag kahapon ng pamunuan ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na walang release clearance mula sa ahensiya ang bulto ng asukal na pinare-release ni Torres.
Pinasalamatan ni SRA Administrator Ma. Regina Martin ang Customs dahil sa maagap na pagpigil na mailabas ang asukal mula sa kanilang bakuran.
Niliwanag ni Martin na ang mga imported sugar ay dapat na iniimporta ng isang registered international trader at hindi ng isang negosyante lamang sa Pilipinas para mabigyan ng SRA clearance.