Obrero inutas dahil sa tsismis

MANILA, Philippines – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang construction worker matapos itong saksakin ng kasamahan nang makatanggap ng tsismis na may relasyon ito sa kanyang misis na naganap kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.

Ang nasawi dahil sa mga tama ng saksak sa katawan ay kinilalang si Arcadio Ausa, nasa hustong gulang, tubong Leyte, Samar at stay-in sa Block 32, Lot 8, Jasmine St., T.S. Cruz Subdivision, Barangay Almanza Dos ng naturang lungsod.

Tumakas naman ang suspek na si Eduardo Castillon, may sapat na gulang, tubong Iloilo, stay-in din sa naturang lugar.

Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-11:15 ng gabi sa nasabing lugar ay natutulog ang biktima nang marinig nito na tinatawag siya ng suspek na noon ay lasing.

Pinuntahan nito ang suspek at dito ay agad tinanong kung totoo ang narinig niyang tsismis na may relasyon ito sa misis niya.

Pinabulaanan ito ng biktima hanggang sa nauwi sa mainitang pagtatalo at bumunot ang suspek ng dala nitong patalim at pinagsasaksak ang una.

Show comments