MANILA, Philippines - Nasawi ang isang magsasaka habang nasugatan ang anim nitong kasamahan matapos na tamaan ng kidlat habang nagtatrabaho sa bukid naganap kamakalawa sa bayan ng Dingle, Iloilo.
Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktimang si Ronald Arban, 32, sanhi ng tinamong matinding sunog ng katawan sa tama ng kidlat.
Nilalapatan naman ng lunas sa nasabing pagamutan ang anim pang mga magsasaka.
Batay sa ulat, kasalukuyang abala sa pagtratrabaho sa bukid ang mga biktima nang biglang bumuhos ang malakas na ulan saka kumulog at kasunod ay kumidlat na direktang sumapul kay Arban habang nasugatan ang iba pang mga kasama.
Nabatid na naghahanda sana para sa pagpupunla ng kanilang mga pananim sa bukirin ang mga biktima nang mangyari ang insidente.