MANILA, Philippines - Nakapasa ang panukalang batas na naglalayong nagbabawal o hindi puwedeng tumakbo sa Sangguniang Kabataan ang anak ng isang barangay chairman at kagawad.
Ayon kay Senador Bam Aquino nauna nang pumasa sa Senado ang SK Reform Bill na mayroong apat na malaking pagbabago, kabilang ang anti-dynasty provision, pagpapataas sa edad ng SK officers, mandatory leadership training at paglikha ng local youth development councils.
Sa Senate version ay ipinagbabawal ang mga kamag-anak ng nahalal at nahirang na opisyal na umupo bilang SK hanggang sa second level of consanguinity.
Itinaas na rin ng SK Reform Bill ang age limit ng SK officials mula 15-17 patungong 18-24 years old, upang maging legal ang pagpasok nila sa mga kontrata at mapapanagot sa kanilang aksiyon.
Kapag naisabatas,obligado rin ang SK officials na sumailalim sa leadership training programs na magagamit nila sa pagtupad sa tungkulin.
Ang SK Reform Bill ay pumasa rin sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara.