MANILA, Philippines - Hindi na nagawang makarating sa ospital ang isang ambulansiya na may pasyenteng sanggol matapos na sumalpok ito sa isang puno ng Narra kamakalawa sa Purok 1, Brgy Lugui, Labo, Camarines Norte.
Ang sanggol na bagong silang ay nakilalang si Nathan Marquez.
Batay sa ulat, bago nangyari ang aksidente dakong alas-12:45 ng madaling araw sa nasabing lugar ay isinugod ng magulang na sina Noel Marquez, 34 at Gerlie, 29; kasama ang dalawang iba pa at sumakay ng ambulansiya (SKY-737) na minamaneho ni Pedrito Baratita, 47 para madala ang sanggol sa ospital dahil sa nahihirapan sa paghinga.
Mabilis na binabagtas ang lugar patungo sana sa Camarines Norte Provincial Hospital at pagsapit sa isang kurbadang daan ay nahagip nito ang isang malaking bato na dahilan upang mawalan ng kontrol ang ambulansiya at tuloy tuloy na sumalpok sa puno ng Narra na kung saan nasawi ang sanggol habang ang mga kasama sa ambulansiya ay nagtamo ng galos sa ibat ibang parte ng katawan.