Holdaper dedo sa kuyog ng taumbayan

MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 39-anyos na holdaper nang ito ay kuyugin ng taumbayan sa gulpi at saksak sa tangka nitong panghoholdap  sa dalawang pasahero ng jeep kamakalawa ng hapon sa Sampaloc, Maynila.

Ang  napatay na suspek ay kinilalang si Jose Abalos  Jr., binata,miyembro ng Batang City Jail at residente ng  809 Ma. Cristina St., Sampaloc ng lungsod.

Nasugatan naman ang magpinsang biktima na kinilalang sina John Genesa Orqueza, 21 binata, estudyante ng  University of the East na nagtamo ng saksak sa mukha  at Darwin Genese, 33 , delivery boy na nasaksak sa tagiliran ng katawan.

Batay sa ulat, dakong ala-1:40 ng hapon habang sakay  ang magpinsan sa isang pampasaherong jeep na may biyaheng Lealtad-Quiapo ay nakasakay din pala ang suspek.

Pagdating sa kanto ng Loyola at Dos Castillas Sts., ay nagdeklara ng holdap ang suspek at isang babae na pasahero ang unang nagbigay ng cellphone, subalit nanlaban ang magpinsan kaya sila sinaksak bago tumalon mula sa dyip ang suspek.

Namataan ang suspek ng mga tambay na tumatakbo kaya’t hinabol ito at nang maabutan sa bahagi ng M. Dela Fuente St., ay  pinagtulungan itong bugbugin at saksakin ng mga humabol.

 Ayon sa kaanak ng suspek na lumutang sa himpilan pulisya na nakulong ito ng 11 taon  sa kasong robbery.

Show comments