MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang estudyante ng Unibersidad De Manila nang ito ay agad saksakin sa dibdib ng isang holdaper na tangkang humablot sa dala nitong bag sa ibabaw ng Quezon Bridge sa Quiapo, Maynila kahapon ng umaga.
Ang nasawing biktima ay kinilalang si Renzo Rey Budoy, ng 1901–K Int. Zamora St., Pandacan.
Batay sa ulat,dakong alas-6:30 ng umaga ay sakay ang biktima sa isang pampasaherong jeep.
Pagdating sa ibabaw ng nasabing tulay ay bigla na lamang hinablot ng isang suspek ang bag ng biktima at sabay saksak sa dibdib nito.
Kahit na may tama ng saksak si Budoy ay nagawa nitong makatalon sa jeep, pero sinundan siya ng suspek at muling pinag-uundayan nang saksak.
Nabigo ang suspek na tangayin ang bag nang makitang naliligo na sa sariling dugo ang biktima.