MANILA, Philippines – Tinawag na “credit grabber” at pa-epal si acting Makati Mayor Romulo Peña Jr., nang ipagmalaki nito ang mataas na 6 buwang koleksyon ng lungsod, gayung halos 2 buwan pa lamang ito nakaupo sa puwesto.
Ayon kay Joey Salgado, hepe ng Media Affairs ng Office of the Vice President at tagapagsalita ng suspendidong si Makati City Mayor Junjun Binay na kinukuha ni Peña ang magandang performance ng lungsod mula sa panunungkulan ni Mayor Binay samantalang wala pa naman siyang nagagawa sa dalawang buwan nitong panunungkulan bilang acting mayor.
Ipinagmamalaki rin ni Peña sa kanyang press statement sa mga mamamayan ng Makati na napaangat nito ang income ng lungsod dahil sa mga programa nito kabilang na ang yellow card at benepisyo para sa mga senior citizens na isang malinaw na “credit grabbing.”
Sa huling naitala nitong Agosto 20, inulat ng treasurer’s offfice ng lungsod na nakuha ng Makati ang 90 porsyento sa target revenue collection nito para sa buong taon o P11,053,533,515 mula sa P12,284,535,000.
Bago umano nasuspinde si Binay, ang kabuuang revenue collection nitong Agosto 20 ay umabot na sa P9.5 bilyon o 82.2 porsyento ng total income ng siyudad.
Kaya’t lumalabas sa financial records ng Makati na patuloy ang pag-angat ng taunang revenue collection sa nagdaang dalawang dekada na hindi maitatanggi na ang mga polisiya ay nasusunod mula sa dating termino ni Vice President Binay bilang alkalde pa ng lungsod na ipinagpatuloy at pinalawak naman ng kanyang anak na si Mayor Junjun matapos ang pagisisikap nitong makipag-usap sa mga high level investors upang mamuhunan sa tinaguriang financial district (Makati) ng bansa.
Idinagdag pa ni Salgado na sa loob ng dalawang dekada sa ilalim ng Binay administration ay nagpapatuloy ang target na kita at koleksyon ng lungsod at mula noon ay hindi kinapos o kinulang pa sa pondo.
Kinondena ng kampo ni Binay ang hindi tamang paggasta ni Peña sa pondo ng lungsod tulad ng pagbabayad ng mga print advertisement na hindi naman anila nakakatulong sa pagsisilbi sa publiko kundi para lamang sa sarling promosyon o ka-epalan.