MANILA, Philippines - Sa halip na mareporma ang buhay sa mga nagawang pagkakamali ay tila mapapariwara pa ang buhay ng mga kabataan sa Manila Youth Reception Center (kulungan para sa mga menor de edad) matapos na isang 16-anyos na binatilyo ang ginahasa ng kapwa inmate na tumatayong mayores o bossing sa kulungan.
Ito ang ibinunyag ng dalawang konsehal ng Maynila tungkol sa sinapit na 16-anyos na preso na nakulong sa kasong pagnanakaw na ibinulgar naman ng lola nito nang humingi ng tulong.
Sa loob umano ng isang buwan ay 3 beses sa isang araw ginagamit ang 16-anyos na binatilyo ng 18-anyos na inmate na may kasong rape at tumatayong mayores sa nasabing kulungan.
Nabatid kasalukuyang nasa Manila City Jail na ang mayores na nailipat nang tumuntong sa edad na 18-anyos kamakailan.
Dahil sa sakit ng puwet nang mapuwersa umano sa pagtatalik ay idinulog ito sa klinika ng MYRC at nadiskubreng napilas kaya ipinagamot.
Noong Agosto 19, 2015 ay nagtungo ang lola ng biktima sa MYRC upang humingi ng tulong dahil sa sinapit ng biktima, subalit sa halip na paimbestigahan o tulungang magkaroon ng abogado ay pinaghintay lamang umano ng 4 na oras at binigyan ng P2,000 para umuwi na.