MANILA, Philippines - “Hindi ako magbibitiw sa puwesto at walang nangyaring kasunduan sa pagitan ng gobyerno at ng Iglesia Ni Cristo (INC)”. Ito ang naging pahayag ni Justice Secretary Leila De Lima dahil hindi pa siya 100% sigurado na sasali sa senatorial race at walang dahilan para siya bumaba sa puwesto.
Sinabi din ng kalihim na walang deal na naganap sa pagitan ng mga nagraling miyembro ng INC at ng pamahalaan matapos na kusang kumalas sa rally ang mga kasapi ng INC noong Lunes na nagsimula noong Huwebes ng hapon sa harap ng DOJ sa Padre Faura.
Naging maingat si De Lima sa pagbibigay ng komento sa isyu ng INC dahil sa pangambang hindi maintindihan ang kanyang pahayag at siya ay ma-misquote.
Matatandaan na nagsagawa ng protesta ang INC matapos na magsampa ng kasong sa DOJ ang itiniwalag na ministro ng INC na si Isaias Samson Jr.,kung saan sinasabi na suportado ni De Lima.