MANILA, Philippines - “Kung ayaw mong makipagkita sa ‘kin isasama ko na yung tatlo mong anak sa aking pupuntahan.”
Ito ang text ni Rolando Reformato Jr., jeepney driver sa kanyang misis na si Angelie bago natagpuang patay ang dalawang anak na sina Jonel, 14; Janel, 5. Habang hindi na umabot ng buhay si Junli,9 sa Jose Reyes Memorial Medical Center.
Sa report na isinumite ni SPO2 Charles John Duran kay P/ Insp. Paul Dennis Javier, hepe ng MPD-Homicide Section, alas-12:00 ng madaling araw nang matagpuan ang mga katawan nina Jonel at Janel sa loob ng kanilang kuwarto na tadtad ng saksak at wala ng buhay.
Kuwento ni Angelie, ina ng mga biktima, umalis siya sa kanilang bahay Agosto 21, dahil sa pambubugbog umano ng mister matapos itong malasing.
Isinama niya ang anak na babae, samantalang naiwan naman ang dalawang lalaki sa bahay kasama ng ama.
Pero, makalipas ang ilaw araw, nagtext umano ang kanyang mister para sabihing “namimiss ko na ‘yung anak nating babae, pwedeng dalhin mo na sa ‘kin?”
Pinagbigyan ni Angelie ang mister, pero iniwan lang niya ang anak at umalis din sa takot na magulpi muli.
Subalit, bandang hatinggabi, unang araw ng Setyembre, nalaman ni Angelie mula sa kapatid ang text ng mister na “kung tuluyang tatanggi na makipag-usap sa ‘kin si Angelie, isasama ko na ‘yung tatlong anak namin sa kabilang buhay.”
Kasunod nito, natanggap din ni Angelie ang nasabing text mula sa mister.
Dahil dito, pinuntahan agad niya sa bahay ng mister sa no. 1862 Dapitan St. Sampaloc, Maynila, pero ayaw na siyang pagbuksan ng pinto.
Humingi ng tulong sa pulis si Angelie at pagbalik nila sa bahay bumungad sa kanya ang bangkay ng kanilang mga anak pagbukas ng pinto.
Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na sinaksak din ni Rolando ang kaniyang sarili ngunit mababaw lang ang tinamong sugat kaya’t buhay pa ito at ngayo’y nakaratay sa ospital.
Nakita rin sa kanilang bahay ang umano’y “suicide note” mula kay Rolando na isinulat gamit ang sariling dugo na may mensaheng: “Sorry, salamat, mama, mahal na mahal kita, salamat sa lahat”.
Inaalam na ng pulisya kung nasa impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot ang suspek, samantalang nasa punerarya na ang tatlong bata.
Bantay sarado sa mga pulis ang suspek sa Philippine General Hospital.