MANILA, Philippines - Pagkakulong at multa ang ipinataw na parusa ng korte laban sa dalawang Tsino na nameke ng dokumento sa pagpaparehistro sa Commission on Elections (Comelec) para maging Filipino at payagang makaboto.
Sa desisyon ni Judge Yolanda Leonardo ng Metropolitan Trial Court Branch 9, iniutos na makulong ng 2-taon at apat na buwan hanggang 6 na taon ang mag-inang akusadong sina Aurora Co Ching at anak nitong si Jaime kung saan pinagmulta rin ng P5,000.
Sa rekord ng korte, si Jaime ay nagawa ang pamemeke ng mga dokumento noong Hunyo 27, 1997 habang ang ina nito ay nooong Setyembre 3, 2003.
Sa magkahiwalay na pagkakataon, ang dalawa ay nagparehistro sa Comelec at inilagay na sila ay kapwa Filipino citizen kahit hindi naman sila nag-aplay ng naturalization at naisyuhan ng voters identification numbers kaya nakaboto.
“Both have admitted that when they registered as voters at the Commission on Election Office in Manila, they were Chinese citizens and therefore disqualified to exercise the right of suffrage. No amount of defense can be put up… to justify their act of registering as a voter when they knew there were not qualified and eventually voted.,” saad sa apat na pahinang desisyon ng korte.