MANILA, Philippines – Napatay ng mga otoridad ang apat na pinaghihinalaang notoryus na mga big time drug pusher nang makipagbarilan ang mga ito sa isinagawang malawakang anti-narcotics operation sa Tagum City, Asuncion at Sto. Tomas, Davao del Norte kahapon.
Kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan ng apat na suspek na namatay noon din habang iniimbentaryo ang mga nasamsam na bulto ng shabu.
Sa ulat ni Sr. Supt. Samuel Gadingan, Director ng Davao del Norte Police Office (PPO), na ang mga suspek ay mga pinaghihinalaang notoryus na tulak ng droga sa naturang mga lugar na tinutugaygayan ng pulisya matapos na makatanggap ng report hinggil sa talamak ng mga itong pagbebenta ng shabu.
Nang salakayin ang mga kuta nito ay hindi sumuko ang mga suspek sa mga otoridad at sa halip ay nagpaputok ng baril na nauwi sa shootout.
Nabatid na bandang alas- 5:00 ng umaga nang sunud-sunod na salakayin ng Criminal Investigation and Detection Group, Davao del Norte Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang Brgys. Magdum, Magugpo West, Mankilam at San Miguel pawang sa Tagum City.
Dalawa sa mga suspek ay napatay sa raid sa Tagum City habang ang dalawa ay sa bayan ng Sto. Tomas at Asuncion.
Marami ang mga naaresto matapos na mahuli sa bisinidad ng operasyon na patuloy na iniimbestigahan kung may kinalaman sa pagtutulak ng droga.
Ang drug raid ay isang follow-up operations matapos ang pagkakasamsam ng aabot sa P 6 M halaga ng shabu sa Magugpo West, Tagum City may ilang linggo na ang nakalilipas.