MANILA, Philippines - Napatay ng mga otoridad ang dalawang holdaper na sakay ng isang motorsiklo na nangholdap sa isang babae matapos na ito umano ay manlaban nang hindi tumigil sa police checkpoint kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Ang dalawang napatay na suspek ay pawang nakahelmet na isinalarawan na nasa pagitan ng edad na 30-35, katamtaman ang mga pangangatawan, may taas na 5’2” at nakasuot ng short pants, at t-shirt.
Batay sa ulat, bago nangyari ang shootout dakong alas-12:45 ng madaling araw sa isang bakanteng lote sa Greater Lagro, Quirino Highway ay nagsasagawa ng checkpoint ang mga tropa ng QCPD Special Traffic Action Group (STAG) sa pamumuno ni Chief Insp. Rolando Lorenzo sa lugar.
Dumating ang mga suspek na sakay ng motorsiklo at nang pahintuin para sa beripikasyon ay biglang humarurot ang mga ito.
Kaya’t hinabol ng mga pulis ang mga suspek hanggang sa nakorner sa pataas na bahagi ng kalsada at dito ay biglang namaril ang backrider sa mga otoridad sanhi upang mauwi ito sa engkwentro na ikinasawi ng dalawang suspek.
Lumalabas sa imbestigasyon na bago ang shootout ay napag-alaman na isang Kimberly Azano, ang hinoldap ng mga suspek sa Timog Avenue, dakong alas-12:00 ng gabi na nagreport sa pulisya.
Nang buksan ang backbag na dala ng isa sa mga nasawing suspek ay narekober sa loob nito ang handbag ni Azano at dalawang kalibre 38 baril na gamit ng mga itosa panghoholdap.