MANILA, Philippines – Inismol lang Malacañang ang isinusulong na “no remittance day”ng mga OFW’s bilang resbak sa ginawa ng Bureau of Customs (BOC) sa mga balikbayan boxes.
Sinabi ni PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., na noong 2013 ay nagsagawa na rin ng zero remittance ang nasabing grupo, subalit wala naman itong naiulat na masamang epekto sa ekonomiya.
Ayon kay Coloma, personal na pagpapasya ng mga OFW’s ang pagpapadala ng kanilang pera sa kanilang mga mahal sa buhay at hindi naman habambuhay na hindi sila magpapadala ng kanilang pera lalo’t sa kanila umaasa ang mga ito.
Bagama’t inismol ng Malacañang ang bantang “no remittance day” ay nagbabala naman si Senator Chiz Escudero na aabot sa P3.1 bilyon ang mawawala sa ekonomiya bawat araw.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang personal remittances mula sa mga OFWs noong 2014 ay umabot sa all-time high na $26.93 bilyon na kumakatawan sa 8.5 percent ng gross domestic product noong nakaraang taon.
At sa unang bahagi ng 2015, iniulat ng BSP na ang personal remittances mula sa mga OFWs ay tumaas ng 6.2 percent at umabot sa $12.7 bilyon mula sa $11.9 bilyon sa kaparehong period noong nakaraang taon.
Ang pinagsama-samang remittance ng mga Filipino workers sa buong mundo ay may average na P2.014 bilyon kada buwan mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.