MANILA, Philippines - Nadala sa ospital ang 46 katao na pawang magkakamag-anak matapos na malason sa kinaing handa sa dinaluhang birthday party kamakalawa sa Brgy. San Sebastian, Sta. Barbara, Iloilo.
Batay sa ulat, bago nalason ang mga biktima dakong alas-3:00 ng hapon ay kumain ang mga ito ng handa na pritong manok at karne na inihalo sa pancit canton para sa pagdiriwang ng kaarawan ng isang miyembro ng pamilya Agraviador.
Ilang oras matapos na kumain ay nagsimula ng makaranas ng pananakit ng tiyan, ulo, pagsusuka at pagtatae ang mga biktima kaya’t isinugod ang mga ito sa Western Visayas Medical Center para malapatan ng lunas.
Nang suriin ang mga sangkap na ginamit sa pagluluto ay matagal pa ang ‘expiration’ nito habang sinabi ng katulong ng pamilya na halos durog-durog na ang karne ng manok na kanilang iniluto na mabaho na ang amoy nito.
Nakatakdang isailalim sa pagsusuri ng mga health officials ang sample ng inihandang pagkain sa birthday party.