MANILA, Philippines - Isang retiradong pulis na ngayon ay isang barangay kagawad ang pinagbabaril ng isa sa pitong suspek na pinaniniwalaang hired killer habang ito ay nagsasakay ng pasahero sa pinapasadang van kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.
Ang biktima na namatay noon din ay kinilalang si SPO1 Salvador Legaspi, dating pulis Maynila, residente ng no. 1273-A Asuncion St. Tondo, Maynila at kasalukuyang barangay kagawad sa Brgy. 47 Zone 3.
Wala pang pagkakakilanlan sa pitong suspek na nagpanggap na pasahero na ang gunman ay nasa edad 20 hanggang 30 na nakasuot ng kulay itim na t-shirt, short at naka-bull cap ng kulay itim.
Batay sa ulat, bandang 8:15 ng umaga ay kasalukuyang nagsasakay ang biktima ng puting Nissan Urvan (ZNT-843) sa panulukan ng Moriones at Road 10 sa Tondo patungong Ayala, Makati.
Habang nagtatawag ang barker na si Ernesto Alapide ay dumating ang pitong suspek at sabay-sabay itong sumakay sa gitna ng sasakyan sa likod ng driver seat.
Dahil sa utos ng misis ni Legaspi na huwag magpasakay ng lalaki sa gitna ay pinalipat ni Alapide ang mga lalaki sa likod na agad namang sumunod maliban sa gunman na naka-bull cap.
Ilang minuto pa lamang ang nakararaan nang biglang paputukan ng gunman si Legaspi at sabay-sabay na nagpulasan ang iba pang pasahero.
Naglakad lamang papalayo ang mga suspek at nang makakita ng isang pampasaherong jeep na biyaheng Ilaya–Dagat Dagatan ay pinara ito ng dalawa sa mga suspek na sinundan naman ng gunman. May lead na ang pulisya sa pagkakakilanlan ng mga suspek matapos makita sa CCTV ang krimen.