MANILA, Philippines - “Huwag buksan ang mga balikbayan boxes ng dumarating sa bansa kung walang Closed-Circuit Television (CCTV)”.
Ito ang utos ni Senator Ralph Recto sa mga taga Bureau of Customs (BOC) na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nagkakabit ng mga CCTV.
Nagtataka si Recto na may P3.2 bilyong pondo ang BOC at bilyun-bilyong koleksiyon ang pumapasok araw-araw kaya’t walang dahilan upang hindi ito makabili ng mga CCTV.
Nabatid pa kay Recto na noong nakaraang taon, ay nakakolekta ang BOC ng P1.01 bilyon kada araw at ngayong taon ay may revenue goal ito na P436.6 bilyon o P1.2 bilyon kada araw.
Hindi aniya dapat ikatuwiran ng BOC ang kawalan ng pera kaya hindi sila makakabili ng mga CCTV para mai-record ang mga bubuksang Balikbayan boxes dahil maging ang mga maliliit na karinderia ay nakakabili ng CCTV.
Hindi rin aniya maaring ikatuwiran ng BOC na mahirap bumili ng mga CCTVs dahil ‘bumabaha’ nito sa Raon at Binondo.
Matatandaan na inihayag ng BOC na magbubukas sila ng mga Balikbayan boxes “randomly” upang isailalim sa inspeksiyon dahil sa hinalang nagagamit ang mga Balikbayan boxes sa pagpupuslit ng mga taxable goods.