2 sakay ng motor dedo sa van

MANILA, Philippines - Kapwa nasawi ang dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo nang masalpok sila ng isang van na kung saan ay anim na pasahero nito ang nasugatan kahapon ng madaling araw sa kahabaan ng Mindanao Avenue, Quezon City.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Hanzallah Domato,16, ng Tala, Caloocan City at angkas na si Abdul Dagalangit, nasa hustong gulang.

Nasugatan naman sina Randel John Amante; Bingbong Amante; Alvin Rangel; John Paul Palabay at Karl Vincent Jude Baculina, driver ng Starex van; at Jamal Dave Disumimba, angkas ng motorsiklo.

Batay sa ulat, dakong alas-3:00 ng madaling araw ay minamaneho ni Domato ang motorsiklo kaangkas sina Dagala­ngit at Disumimba  nang masalpok sila ng Starex van (WGM-760) na minamaneho ni Baculina, 21 sa kahabaan ng Mindanao Avenue Extension harap ng Brittany Subdivision, Barangay Pasong Putik.

Nabatid na kapwa binabaybay ang dalawang sasakyan ang magkabilang direksyon ng Mindanao Avenue Extension,subalit pagsapit sa Brittany Subdivison ay biglang nag-overtake ang motorsiklo dahilan para sumalpok ito sa van.

Sa lakas nang pagkakasalpok ay kumalas sa kanilang motorsiklo sina  Dagalangit at Disumimba na tumilapon ng ilang metrong layo habang ang van naman ay umikot pakaliwa saka tumawid sa kabilang direksyon ng kalye bago humampas sa poste.

Si Domato na nakaladkad ng may 50 metro ay huminto lamang pagsapit sa gutter bago tuluyang maipit sa harap ng bumper ng van.

Lumalabas sa im­bestigasyon na ang mga sakay ng motorsiklo ay galing umano sa drag racing sa Mindanao Avenue Extension at papauwi na sa kanilang lugar nang maganap ang insidente.

Show comments