MANILA, Philippines – Pinaniniwalaang matinding depresyon ang dumapo sa 33-anyos na misis kaya nagdesisyong mag-suicide matapos uminom ng silver cleaning kamakalawa ng gabi sa kanyang bahay sa Sangandaan Subd., Barangay 4 sa Caloocan City.
Kinilala ang biktima na si Roselle Eugenio, tindera, at nangungupahan sa #155 Gen. San Miguel Street sa nasabing lugar.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10 ng gabi nang mamataang bumagsak ang biktima sa loob ng inuupahang kuwarto kaya agad tinawagan ng may-ari ng bahay ang kaanak na si Laysa Roque.
Unang isinugod ang biktima sa Caloocan City Medical Center bago inilipat sa Philippine General Hospital subalit hindi na umabot ng buhay.
Narekober ang isang plastic bottle ng softdrinks na may masangsang na amoy na sinasabing hinaluan ng silver cleaner.