MANILA, Philippines – Kapwa nadiskubreng patay ang isang vice president ng Technological Institute of the Philippines (TIP) at ang driver nito sa loob ng sports utility vehicle (SUV) na nakaparada sa isang gasoline station sa Pandacan, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Ang mga bangkay ay kinilalang sina Reynaldo Chinjen, 66-anyos, Vice President for external affairs ng TIP, resdiente ng no. Lot 11, Block. 14, Congress Village, Caloocan City at driver na si Claudio Flojo, 64, ng no. 122 Mariveles St., Sampaloc, Maynila.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-6:00 ng gabi nang aksidenteng madiskubre ng security guard ng Caltex Gasoline Station na si Edilberto Eslera, 32, ang bangkay ng dalawang biktima sa loob ng Ford Everest (ZKW-384) na nakaparada sa tapat ng banyo.
Agad inireport sa barangay ang natuklasan na siya namang tumawag ng mga pulis na pagbukas sa pintuan ng sasakyan ay kumawala ang nakasusulasok na amoy ng kemikal na mahapdi rin sa mata at natunton na nagmula sa likurang bahagi ng sasakyan.
Pinag-aaralan kung anung klaseng kemikal ang kumalat sa loob ng sasakyan na posibleng dahilan upang ma-suffocate ang dalawa at mawalan ng malay hanggang sa mamatay ang mga ito.
May nakuhang mga bagong damit na pinamili at ilang barbeque sa sasakyan.