MANILA, Philippines - Pinayuhan ni Vice President Jejomar C. Binay si Justice Secretary Leila De Lima na itigil na nito ang pagbibigay ng mga walang basehang pahayag sa kaso nang pagkidnap umano ng mga ministro ng Iglesia Ni Cristo.
Sa sulat na ipinadala ni Binay kay De Lima na nakatawag sa kanya ng pansin ang mga pahayag nito sa media na ang kaso sa umano’y pagdukot sa mga ministro ng Iglesia Ni Cristo ay hindi pa sarado na kabaligtaran sa inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) authorities kaya’t lumalabas na salungat.
Nakalagay pa sa sulat ni Binay na ang NBI na nasa ilalim ni De Lima ay nagsabi na walang nangyaring pagdukot at katotohanan ay walang lumabas na magrereklamo na sa madaling salita ay walang krimeng nangyari.
Idineklara na rin ni Atty. Manuel Eduarte, chief ng NBI Anti-Organized Transnational Crime Division, na sarado na ang kaso matapos na makipag-ugnayan ito sa INC’s Legal Office at bisitahin ang bahay ni Felix Nathaniel “Angel” Manalo na kapatid ng exective minister na si Eduardo Manalo.
Itinawalag na si Angel kasama ang kanyang ina na si Cristina “Tenny” Villanueva Manalo, matapos mag-upload sa YouTube video na ang mga ministro ay dinukot at nanganganib ang buhay.
Kaya’t ang mga pahayag umano ni De Lima ay nakakasira sa imahe ng INC at bilang public officials ay tungkulin na igalang at huwag pakialaman ang anumang nangyayaring gulo sa loob ng isang religious group tulad ng INC.
Sinabi pa ni Binay na lumalabas ang tunay na ugali ni De Lima sa isyu ng INC na kaparehas nang paggiba nito sa kanyang pagkatao.- Ellen Fernando-