MANILA, Philippines - Napatay ang isa sa miyembro ng Masculados Dos na sinasabing pumalag sa mga karnaper matapos itong barilin sa bisinidad ng Primrose Hills Subd. sa bayan ng Angono, Rizal kahapon ng madaling umaga.
Kinilala ang biktima na si Ozu Ong na Marcy Jhay Ong sa tunay na buhay, 29, at nakatira sa nasabing subdivision.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Teresa Niña, nabatid na pauwi na ang biktima nang harangin ng mga di-kilalang lalaki na sinasabing miyembro ng carnapping syndicate.
Pinagpilitang pababain sa kanyang sasakyang Toyota Hi-Lux (AAO 2722) ang biktima pero tumanggi at tinangkang manlaban kaya siya binaril.
Tinangay ng mga karnaper ang sasakyang itim ng biktima na napuruhan sa dibdib at namatay bago pa maisugod sa ospital.
Si Ozu na tinanghal na Mr. AMA Antipolo noong 2007 ay gumanap na rin sa ilang programa sa telebisyon tulad ng TV series na “Little Star” kung saan co-model siya ni Lovi Poe.
Naging kaibigan din siya ni Mark Anthony Fernandez sa seryeng “Munting Heredera” at bodyguard naman ni Al Tantay sa programang “Gumapang Ka sa Lusak” noong 2010.