MANILA, Philippines - Napaslang ang 42-anyos na bakery owner matapos itong saksakin ng kaniyang panadero na sinasabing iritado sa sakit ng ngipin sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Idineklarang patay sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Antonio Magpantay, may ari ng Lunar Bakery sa Maria Clara Street sa nasabing lugar.
Nasakote naman ang suspek na si Dante Casuno, 22, may asawa, stay-in sa nasabing bakery at tubong Jubay, Caloban, Leyte,
Sa ulat ni SPO3 Milbert Balinggan ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang krimen dakong alas-2 ng madaling araw sa nabanggit na panaderya.
Lumilitaw na nagtalo ang mag-amo dahil ayaw pumayag ng biktima na umalis ang suspek na sinasabing bibili lamang ng gamot sa sakit sa ngipin.
Nauwi sa matinding pagtatalo at tinangkang tagain ng biktimang senglot ang trabahador nito kaya naganap ang krimen.
Dalawang trike driver ang humabol sa suspek na tumakas kung saan nakorner naman sa Elias Street saka dinala sa himpilan ng pulisya.