MANILA, Philippines – Isang 64-anyos na turistang Hapones ang nasawi sa kanyang pag-scuba diving sa karagatan ng Olongo Island sa Lapu–Lapu City kamakalawa.
Kinilala ang nasawing biktima na si Kenichi Nakaizuma, tubong Yamaguchi, Japan.
Batay sa ulat, bandang ala-1:00 ng hapon ay nagsasagawa ng scuba diving si Nakaizuma kasama ang isang Dino Ompad, operations manager ng Scuba Star na nakabase sa Brgy. Maribago ng lungsod nang maganap ang trahedya.
Ayon sa bangkero habang nagsasagawa ng diving ang dalawa ay nakita niyang nagkakawag sa ilalim ng tubig ang matandang Hapones.
Pinaniniwalaan namang sinumpong ng sakit nitong hypertension at puso ang Hapones .
Agad namang sumaklolo ang mga paramedics ng Emergency Rescue Unit Foundation matapos na maiahon ang katawan ng Hapones, pero binawian ito ng buhay habang isinusugod sa Mactan Doctors Hospital.