MANILA, Philippines - “Wow na wow naman yun!”
Ito ang sagot kahapon ni Vice President Jejomar Binay sa tanong ng media kung ano ang reaksyon nito sa umano’y mga patutsada sa kanya ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa nakaraang State of the Nation Address (SONA) nito.
“Merong isang bahagi doon palagay ko hindi naman ako pinatutungkulan ‘nun. Kasi ang pagkakasabi meron diyan nagsasalita na giginhawa ang bayan pero ang salita lage ay basta, basta. Wow na wow naman ‘yun,” wika ni Binay.
Bagama’t hindi pinangalanan si Binay ay nagpatutsada ang Pangulo sa slogan ng Bise Presidente na “gaganda ang buhay.”
“Siyempre po, kahit kaliwa’t kanan na ang ebidensya ng pagbabago, mayroon pa ring kontra sa “Daang Matuwid.” Ang hirit nila: Mabagal daw tayo. Kapag sila raw ang naging pangulo, sigurado, gaganda ang buhay,” wika ni Aquino.
Ayon kay Binay na hindi naman niya naramdaman na siya ang tinutukoy ng Pangulo nang sabihin nito na “gaganda ang buhay” kung magiging pangulo.
Maging si Atty. Rico Quicho, Vice President spokesperson for political affairs ay naniniwala na hindi ang Bise Presidente ang pinatutungkulan ng Pangulong Aquino nang sabihin na isang presidential aspirant na bigo na ipakita ang kanyang kongkretong plano para sa bansa dahil napataas ni Binay ang kabuhayan ng mga taga Makati City noong ito ay nagsisilbi pang mayor na nagpatuloy nang ito ay maging Bise Presidente.
Nakatakdang magbigay si Vice President Binay ng True State of the Nation na kung saan ay puro katotohanan lamang ang sasabihin na ayaw tanggapin at aminin ng administrasyon.