Binay ‘di pinasalamatan sa SONA

Vice President Jejomar Binay. Philstar.com/Jonathan Asuncion

MANILA, Philippines - Hindi kabilang si Vice President Jejomar Binay sa mahabang listahan ng mga pinasalamatan ni Pangulong Noynoy Aquino sa kaniyang ikaanim at huling State of the Nation Address (SONA).

Bago tapusin ang mahigit dalawang oras niyang ulat sa bayan ay hindi nakalimutang pasalamatan ni P-Noy ang mga kaalyado at mga bahagi ng Gabinete na katuwang sa aniya’y mga reporma sa pamahalaan.
Ilan sa mga ito sina Executive Secretary Jojo Ochoa, mga kalihim na sina Rogelio Singson, Ramon Jimenez, Jericho Petilla, Voltaire Gazmin, Janette Garin, Dinky Soliman at Mar Roxas na maugong na mamanukin umano ni Aquino bilang pangulo sa halalan 2016.

Habang si Binay ay isang beses lamang nabanggit, hindi para pasalamatan kundi bilang bahagi ng mga panau­hing kaniyang binati bago simulan ang ulat sa bayan.

Napuruhan pa ni P-Noy si Binay nang itulak ang pagpasa ng Anti-Dynasty bill ng Kongreso na kung saan ay pagbabawalan ang mga miyembro ng isang pamilya na sabay-sabay humawak ng kapangyarihan. 

Ang pamilya ni VP Binay ang isa sa mga pinakamalaking political dynasty sa bansa ngayon kung saan senador ang kanyang pa­nganay na anak na si Nancy, congresswoman ng Makati ang anak na si Mar-Len Abigail at mayor naman ang anak na si Junjun.

Sa Office of the Vice President nagtatrabaho umano ang kanyang anak na si Anne at dating mayor ng Makati ang asawang si Elenita.

Ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr. na ginawa ni Pangulong Aquino ang apela sa Kongreso na ipasa na ang Anti-Political Dynasty bill dahil sa kanyang pananaw ay napapanahon na ito dahil hindi sila sigurado kung malinis ang intensyon nang susunod na lider kaya’t panahon na para ipasa ang natu­rang batas.

Sinagot na rin ni P-Noy ang mga paratang na “teka teka” at manhid ang kanyang administrasyon at sinabing “eh di wow.”

Halatang nainis si Binay sa buwelta ng Pangulo sa kanya dahil nagmamadali itong umalis ng Batasan at hindi nagpainterview sa media.

Sinabi naman ng kanyang anak na si Congresswoman Abby Binay na hindi nila nararamdaman na sila ang pinapasari­ngan ni P-Noy na taliwas sa naging pahayag ng isang tagapagsalita ni VP Binay na si Mon Ilagan na pu­malag lamang sa mga sinabi ng Pangulo ngunit wala namang iba pang binanggit.

Panalong-panalo naman si Roxas na tila  pag-eendorsong papuri sa kanya ni P-Noy nang sabihin nito na “You can’t put a good man down”.

Isa umano si VP Binay sa mga patuloy ng paninira kay Roxas na  tahimik lang nagtatrabaho at maaala­lang ang mga katagang “bayan muna bago ang sarili” ang mismong mga salitang ginamit noon ni Roxas ng magbigay daan siya sa kandidatura ni P-Noy noong 2009.

Show comments