MANILA, Philippines - Sermon pa ang inabot ng mga vendors ng Quinta Market mula kay Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na nakiusap na huwag nang gibain ang Quinta Market.
Nabatid na nagawa pang magsagawa ng vigil nitong Linggo ng gabi ang mahigit kumulang sa 500 vendor para ipakita ang kanilang pagsalungat sa planong modernisasyon ng nasabing palengke dahil sa ayaw nilang mailipat sa mistulang ‘kulungan ng manok’ na stalls na inihanda para sa kanilang lehitimong vendor ng Quinta Market.
Naipasa umano ang resolution sa konseho dahil sa 37 konsehal ng Maynila, tanging sina Rod Lacsamana ng 2nd District; Ali Atienza ng 5th District at Josie Siscar ng 5th District ang komontra sa pinasok na joint venture agreement ng Manila City government sa Marketlife Management and Leasing Corp. para mai-renovate ang palengke at patakbuhin sa loob ng 25 taon.
Hinarang ng mga vendor ang pagdating ng demolition team dakong alas-7:00 ng umaga na nauwi sa matensiyong paghaharap hanggang sa tuluyan ding masimulan ang paggigiba ng palengke dahil sa likod at sa bubungan umano dumaan ang mga demolition team.
Nang magtungo si Estrada ay sinermunan lamang sila nito sa pagsasabing matagal nang sira-sira ang palengke na delikado sa mga mamimili kaya dapat nang isaayos upang mapaganda ang pwesto maging ng mga vendor.