MANILA, Philippines – Nasugatan ang nasa 26 na pasahero ng isang bus makaraang salpukin ang isang poste ng MRT sa kahabaan ng Edsa Santolan flyover, Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Dinala ang mga biktima na nagtamo ng mga sugat at galos sa isang ospital.
Batay sa ulat, dakong alas-9:30 ng gabi ay mabilis umanong binabaybay ng Worthy Transport Bus (AEL-989) na minamaneho ni Dennis Carillanes, 25 ang nortbound lane ng Edsa-Santolan at pagsapit sa harap ng Camp Aguinaldo ay biglang kumabig ito at direktang tinumbok ang nakatayong poste ng MRT sa lugar.
Sa lakas ng impact ay nawasak ang windshield at natuklap ang unahang bahagi ng bus na biyaheng Pacita-Fairview na ikinauga ng mga pasaherong biktima dahilan para masugatan ang mga ito.