MANILA, Philippines – Dead-on-the-spot ang isang sundalo habang masuwerte namang nakaligtas ang isa nitong kasamahan nang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan na pinaghihinalaang miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa naganap na ambush sa Brgy. Temporan, Magpet, North Cotabato kamakalawa.
Ang nasawi ay kinilalang si Corporal Ricardo Paghubasan. Habang nakaligtas naman si Pfc Cirilo Demapitan na siyang nag-report ng insidente sa Patrol Base ng militar sa Brgy. Basak sa bayang ito.
Sa ulat, dakong alas-6:40 ng umaga sa kahabaan ng highway ng Sitio Campo Inang, Brgy. Temporan ay bumabagtas ang dalawang sundalo na kapwa nakasuot ng sibilyan nang paulanan ng bala ng mga rebeldeng nagkukubli sa damuhan.
Nagawa namang paharurutin ni Demapitan ang minamaneho nitong motorsiklo, subalit naiwan si Paghubasan na napuruhan ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na siyang ikinasawi nito.