MANILA, Philippines - Patay ang isang mister ng mag-amok ito at barilin ng pulisya dahil sa pangha-harass ng una laban sa isang pamilya sa Vitali, Zamboanga City kamakalawa ng gabi.
Ang biktimang si Romeo Atilano, nasa hustong gulang at residente rin sa nasabing lugar ay dead-on- arrival sa Vitali Lying In Clinic dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-6:30 ng gabi ng humingi ng tulong si Maribel Francisco, 29, dahil hina-harass ang kanilang pamilya ng suspek habang armado ng bagong hasang itak.
Mabilis na rumisponde ang pulisya ngunit sa halip na sumuko ay sinugod nito ng itak si PO1 Alex Pedro na nagawa namang maiwasan ang panganib. Hindi pa rito nagpaawat ang suspek at sinugod pa rin ang iba pang umaarestong pulis.
Dahil dito ay napilitan si Pedro na barilin ang suspek na nasapul ng bala sa katawan. Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang isang 19 pulgadang itak na gamit ng nasabing na mister.