MANILA, Philippines - Rehas na bakal ang binagsakan ng apat na minero matapos itong arestuhin ng pulisya dahil sa pagnanakaw ng saku-sakong ‘gold ores’ sa isang minahan sa bayan ng Itogon, Benguet, ayon sa opisyal kahapon.
Sa ulat ng Cordillera PNP na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang mga suspek na sina Winston Agwayas, 26; Jeffrey Soriano, 27; Cyrus Cudal, 24; at si Jeffrey Daluson, 21, mga nakatira sa Barangay Kias, Baguio City.
Ayon sa imbestigasyon, ang mga suspek ay naaktuhang nagnanakaw ng ilang sako ng ‘gold ores ‘ sa load shaft, Level 1700 underground sa Acupan, Virac, Itogon, Benguet.
Ang mga ito ay inaresto ng mga security guard at ng mga operatiba ng Itogon-PNP.
Hindi na nakapalag ang mga suspek matapos na makorner ng mga awtoridad sa akto ng pagnanakaw.
Kaugnay nito, inatasan ni Cordillera Regional PNP Director Isagani Nerez ang lahat ng police stations sa kaniyang rehiyon na paigtingin pa ang anti-criminality campaign.