MANILA, Philippines - Isang Pinoy worker sa Saudi Arabia ang iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagpositibo sa nakamamatay na sakit na Middle East Respiratory Syndrome-Coronavirus (MERS-CoV).
Sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Charles Jose, isang 41-anyos na x-ray technician ng isang ospital sa Riyadh ang tinamaan ng MERS-CoV.
Nahawaan anya, ang nasabing overseas Filipino worker (OFW) ng coronavirus dahil sa hinahawakan nitong mga kaso ng tatlong iba pang pasyente.
Nabatid na nagkaroon umano ng direktang kontak o exposure ang naturang Pinoy sa mga pasyente habang nagtatrabaho sa ospital.
Bukod sa nasabing Pinoy, tatlo pang Pinay, isa rito ang nananatiling nasa isolation ang kasalukuyang mino-monitor ang medical condition dahil din sa nasabing sakit.
Sa kabila nito bumubuti na umano ang lagay ng isa sa kanila nang ialis na siya sa Intensive Care Unit at inilipat sa ward section habang ang isa ay nakalabas na sa ospital at ipinasailalim sa 14-araw na house isolation.
Tumanggi si Jose na pangalanan ang apat na OFWs na tinamaan ng coronavirus upang maprotektahan ang kanilang karapatan.