MANILA, Philippines – Sa paniniwala si dating Pangulong Fidel V. Ramos ay kailangang humingi ng tawad siPangulong Noynoy Aquino matapos ang operasyon sa Mamasapano na ikinasawi ng 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF).
Sa isang pulong balitaan ay iginiit ni FVR na umiiral ang chain of command sa Philippine National Police (PNP), sinabi rin nitong kailangang akuin ni P-Noy ang responsibilidad sa madugong insidente.
Idinagdag pa ni FVR na kung magso-sorry si P-Noy ay mababawasan ang hinanakit ng taumbayan, na nagsimula anya sa hindi pagdalo ng Pangulo sa pagdating ng labi ng SAF 44 sa Villamor Airbase noong Enero 29.
Anya, posibleng maging susi ang pagso-sorry ni P-Noy sa pagbubuklod muli ng umano’y unti-unti nang nagkakawatak-watak na hanay ng pulisya, militar at Simbahan na sinasabing idinulot ng Mamasapano incident.
Dapat anyang gawin ni PNoy ang naturang hakbang bilang commander in chief.
Binanggit din ni FVR na posibleng masampahan ng reklamo si PNoy pagkababa sa pwesto.
Inihayag naman ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na pag-aaralan pa ng Malacañang kung dapat humingi ng public apology si Pangulong Aquino kaugnay ng payo ni dating pangulong Ramos.
Ayon kay Sinabi ni Usec.Valte sa media briefing kahapon, inamin na mismo ni Pangulong Aquino ang responsibilidad sa sinapit ng SAF 44 sa kanyang national address pagkatapos ng Mamasapano incident.
Wika pa ni Valte, hindi pa napag-uusapan kung nararapat pa bang humingi ng sorry si Pangulo sa pamilya ng SAF 44 at taumbayan hinggil sa Mamasapano incident.