MANILA, Philippines – Limang katao ang nasawi kabilang ang isang balikbayang seaman nang sumalpok ang kanilang kotse sa isang trailer truck kamakalawa sa kahabaan ng South Coastal Road, Cebu City.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Rustico Bas, 48, seaman; Oscar Oneo; Rosete Capala, 45; Alma Basalo at pinsan nitong si Gwendolyn Basalo; pawang nasa mahigit 20-anyos.
Batay sa ulat, bago nangyari ang trahedya sa nasabing lugar dakong alas-3:44 ng madaling araw ay galing ang mga biktima sa kalunsuran ng Cebu at patungong Talisay City lulan ng Hyundai Sedan (7AT-138 756) na minamaneho at pag-aari ni Bas na kababalik lamang sa Cebu City noong nakalipas na linggo galing sa Estados Unidos.
Sa imbestigasyon ay hindi umano napansin ng truck driver (GDG 400) na si Danilo Cojo, 48-anyos na may hilang trailer at kargado ng 700 sako ng semento, galing sa Naga City, Cebu at ide-deliver sa pantalan ng Cebu City nang masalpok ang kotse ng mga biktima.
Nakaladkad pa ng 92 metro ng truck ang kotse ng mga biktima na pawang idineklarang-dead-on arrival sa ospital.
Nakakulong na ang suspek at kinasuhan ng reckless imprudence resulting to multiple homicide.