MANILA, Philippines – Napatay ng pinagsanib na elemento ng Cafgu Active Auxiliary (CAA) at Special Action Force (SAF) ang dalawang kidnaper na pinaghihinalaang mula sa grupo ng mga bandidong Abu Sayyaf na nagresulta rin sa matagumpay na pagkakasagip sa isang negosyanteng kinidnap sa Malamawi Island, Isabela City, Basilan kamakalawa ng gabi.
Ang nasagip na negosyante ay kinilalang si Ramon Sanson, may-ari ng convenience store na nagba-buy and sell ng kopra.
Batay sa ulat, bandang alas-6:30 ng gabi nang dukutin ng limang armadong kalalakihan na nakasuot ng uniporme ng pulis ang biktima sa tahanan nito sa Brgy. Sta Barbara sa nasabing isla.
Nakahingi ng tulong ang mga residente sa lugar sa mga otoridad kaya’t nagkaroon ng palitan ng putok na tumagal ng mahigit dalawang minuto na ikinasawi ng dalawang kidnaper habang tumatakas.