Sunog din sa Makati at Malabon... 1 patay sa Las Piñas fire

MANILA, Philippines – Namatay ang isang lalaki nang umano ay sad­yang sunugin ang bahay nito kamakalawa sa Las Piñas City habang may naganap din sunog sa Makati City at Malabon City.

Ang nasawi ay kinila­lang si Marlon Balse, 32, residente ng BF Resort Village, Brgy. Talon Dos, Las Piñas City na natagpuang may katabing patalim at samurai.

Batay sa ulat, noong Sabado ng gabi nang magkulong si Balse sa kanyang inuupahang kuwarto sa ikalawang palapag ng bahay na pag-aari ng isang Imelda Calpe na limang araw nang hindi natutulog na epekto ng iligal na droga.

Ang sunog ay nagsimula dakong alas-9:15 ng umaga  sa ikalawang palapag ng bahay at naa­pula rin ng mga bumbero matapos ang 30 minuto.

Hinihinalang sinadya ni Balse ang sunog nang makita sa loob ng kuwarto ang mga nasindihang palito ng posporo.

Nasa 50 pamilya naman ang nawalan ng tahanan sa sunog na sumiklab sa residential area sa may Governor Pascual Avenue sa Brgy. Catmon, Malabon dakong alas-2:40 kamakalawa ng hapon. Habang limang bahay naman ang nasunog sa may Mayapis Street, Brgy. San Antonio Village, Makati City kamakalawa ng alas-8:55 ng gabi.

Show comments