3 lalaki tinodas sa QC

MANILA, Philippines – Tatlong lalaki ang naitalang nasawi sa pamamagitan ng pagbaril at pananaksak na naganap sa magkakahiwalay na lugar sa Quezon City.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2:00 ng madaling araw nang matagpuang patay ang isang lalaki na may tama ng bala sa ulo at katawan sa harap ng isang bahay sa Bataan St., Brgy. Holy Spirit.

Ang biktima ay inilarawan na nasa pagitan ng edad na 25-30, may taas na 5’0, moreno, nakasuot ng puting t-shirt, at maong na pantalon.

Binaril at napatay naman sa loob ng kanyang bahay ang biktimang si Narcisis Romero, 53, ng Iriga St., La Loma, Brgy. San Isidro Labrador.

Batay sa ulat, dakong ala-1:40 ng hapon nang pasukin ang biktima ng dalawang lalaki sa loob ng kanyang bahay at pinagbabaril ito sa ulo.

Natagpuang patay naman sa saksak dakong alas-9:00 ng gabi ang biktimang si Milandro Valerio, 28, binata ng Don Julio Gregorio St., Bagbag, Novaliches na natagpuang nakahandusay sa harap ng isang hardware sa kahabaan ng Quirino Highway, Brgy. Talipapa na may saksak sa kanang dibdib at kaliwang leeg.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang makilala ang mga salarin sa tatlong insidente ng pagpatay.

Show comments