MANILA, Philippines - Tatlong batang paslit ang naiulat na nasawi sa magkahiwalay na sunog sa Caloocan City at Naga City, Camarines Sur kahapon.
Sa Caloocan City ay halos hindi na makilala ang bangkay ng magkapatid na sina Gabriella, 7; at Danny Castro, 2 nang matagpuan ang kanilang labi sa kanilang kuwarto.
Batay sa ulat, dakong alas-2:40 ng madaling araw nang sumiklab ang apoy sa isang residential building na pag-aari ni Eusebio Castro, 49, na matatagpuan sa Block 17, Maryhomes Lot 34 Diamond St., II, Camarin, Barangay 172 ng nasabing lungsod.
Ang apoy ay nagsimula sa sala na kung saan si Gabriella pa ang nanggising sa kuya nitong si Johnroy, 10 at kapatid na si George, 4, na nagawang makatalon sa bintana at naiwan ang dalawang kapatid.
Nabatid na pansamantalang iniwan ng magulang ang magkakapatid nang maganap ang sunog.
Samantala, sa Brgy.Mabulo, Naga City, Camarines Sur ay halos hindi rin makilala nang matagpuan ang sunog na katawan ng isang 3-anyos na batang babae na si Caszofphia Bermundo na nakulong sa nasusunog nilang bahay sa nasabing lugar.
Batay sa ulat, dakong alas-7:41 ng umaga nang maganap ang sunog sa bahay ni Victor Aspe at Marivic Tan sa Brgy. Mabulo ng nasabing lungsod.
Nabatid na nagsimula ang sunog sa kisame ng tahanan ng mga ito na mabilis na kumalat sa buong kabahayan.
Nabigo nang mailigtas ang bata dahilan sa nababalutan na ng apoy ang buong kabahayan ng naturang pamilya.