MANILA, Philippines - Sa halip na matitikitan lang dahil sa kasong illegal parking ay selda ang kinabagsakan ng isang driver nang makuhanan ng isang sachet na shabu kahapon ng umaga sa Lambingan Bridge, Sta. Ana, Maynila.
Ang suspek ay kinilalang si Alvin Ryan Sungao, 32, ng San Matias, Guagua, Pampanga.
Batay sa ulat, dakong alas-10:30 ng umaga nang masita ng mga tauhan ng RWM Towing Services si Sungao dahil sa matagal nang nakahinto sa Lambingan Bridge ang minamaneho nitong tanker na may plakang RMH 261.
Dahil walang maipakitang lisensiya dahil natiketan na ito sa batas trapiko ay kinuha na lang ni Sungao mula sa kanyang bulsa ang tiket na katibayan na una na siyang nahuli.
Nang kunin ang tiket ay lumitaw ang isang sachet ng shabu na ikinagulat ng mga tauhan ng towing services kaya’t ipinalabas kay Sungao ang mga nasa bulsa at lumitaw ang mga improvised toother, palara at mga stick.
Agad namang dinala sa MPD-Station 9 si Sungao upang masampahan ng kaukulang kaso.