2 bata dedo sa meningo
MANILA, Philippines - Dalawang bata ang napaulat na namatay sa sakit na meningococcemia sa Caloocan City.
Kung kaya’t binabalot ngayon ng takot ang mga magulang at hindi na umano pinapapasok ang kanilang mga anak sa Morning Breeze Elementary School sa Pilar Street, Morning Breeze Subdivision, sa naturang lungsod.
Unang nasawi ang isang grade 1 na babaeng pupil nitong nakaraang Miyerkules sa Manila Central University Hospital nang apuyin ng matinding lagnat at magsuka umano.
Nilagnat ang bata noong Lunes sa loob ng paaralan at hindi pinapasok nitong Martes at pagpasok ng Miyerkules ay inapoy ito ng lagnat sa paaralan at nawalan ng malay kaya isinugod sa pagamutan.
Nitong Biyernes, isang bata pa umano ang nasawi na nag-aaral sa naturang paaralan rin dahil sa matinding lagnat.
Binalot na ng pangamba ang mga magulang ng makaraang kumalat ang bali-balita sa Morning Breeze at Bagong Barrio sa Caloocan na namatay ang mga bata dahil sa meningo.
May ilang hindi kumpirmadong ulat rin na hinihinalang nasawi ang unang paslit dahil sa Mers-COV dahil kasama umano nito ang ama na sumundo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at posibleng doon nakuha ang naturang sakit.
Itinanggi naman ni Caloocan Mayor Oscar Malapitan ang balita na Meningo, Mers-COV, o Ebola ang ikinamatay ng paslit dahil sa medical record ng pasyente ay pneumonia ang ikinasawi nito.
- Latest