2 dayo tinodas sa Baseco

MANILA, Philippines – Dalawang lalaki kabilang ang isang Indian national ang pinagbabaril sa Baseco Compound, Port Area, Maynila kahapon at kamakalawa.

Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktimang si Bakesk Kumar, 30, ng no. 26 Street Mary Villa, España, Quezon City dahil sa tama ng bala sa katawan.

Batay sa ulat, dakong alas-7:00 ng umaga ay naniningil ang biktima at ipinarada ang kanyang motorsiklo sa Block 42, New Site, Baseco  para maningil ng pautang nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek.

Nagkataon na nandoon ang kababayan nitong si Avtar Singh na naniningil din sa mga pautang na siyang nagdala sa biktima sa ospital.

Wala namang tinangay na gamit o salapi mula sa biktima ng suspek.

Binaril at napatay din ang hindi pa kilalang lalaki na dumayo lang sa lugar dakong alas-9:00 ng gabi.

Ang biktima ay inilarawan na nasa pagitan ng edad 20-25, may taas na 4’11, nakasuot ng violet na  sando, at berdeng short pants, asul na tsinelas.

Sa ulat, nadiskubre ang krimen nang maka­rinig umano nang sunod-sunod na putok ang isang Wahida Ampatuan, residente ng Block 20 Extension, New Site, Baseco Compound kaya agad itong lumabas at nakita ang biktima na naliligo sa sariling dugo.

Walang nakakakilala sa biktima at wala ring iba pang impormasyon na ibinigay ang mga residente hinggil sa pangyayari.

Show comments