MANILA, Philippines – Umaabot na sa 14 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang napatay habang 26 ang nasugatan nang makasagupa ang tropa ng gobyerno kamakalawa at kahapon ng umaga sa Maguindanao.
Batay sa ulat ni AFP Spokesman Brig. Gen. Joselito Kakilala, dakong alas-2:00 ng hapon nang makasagupa ng operating troops ng Joint Task Force Central ang BIFF rebels sa mga hangganan ng Datu Saudi Ampatuan, Talayan, Datu Salibo at Datu Piang ng nasabing lalawigan.
Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay patuloy pa rin ang manakanakang putukan sa pagitan ng magkabilang panig.
Samantala, nakubkob ng militar ang dalawa pang malalaking kampo ng BIFF habang apat na miyembro nito ang naaresto sa patuloy na all out offensive sa Datu Piang.
Sa ulat, dakong alas-2:50 ng madaling araw kamakalawa nang magsagawa ng assault operations ang Joint Task Force Central sa pinagkukutaan ng BIFF rebels sa Brgy. Dabunayan at Brgy. Liab ng bayang ito.
Inihayag ni AFP Public Affairs Office Chief Lt Col. Harold Cabunoc, ginamitan ng martial arts na kung tawagin ay Pikita Tersia Kali ng elite team ng Force Recon Company sa ilalim ng 6th Marine Battalion Landing Team na kasama rin ng Philippine Army sa operasyon ang apat na bandido na ginapang at nakorner ng mga ito habang nagbabantay sa bukana ng kuta ng BIFF.
Narekober mula sa mga suspek ang isang cal. 45 pistol na may magazine at anim na rounds ng bala; isang cal .45 Thompson sub machine gun, Improvised Explosive Device (IED) paraphernalia, apat na mobile phones at sari-saring mga kagamitang pandigma at mga dokumento.