MANILA, Philippines - Nasawi ang isa katao at sugatan naman ang siyam na iba pa nang aksidenteng mahulog sa bangin ang sinasakyang dump truck ng mga ito sa kahabaan ng matarik na highway ng Inlulan Poblacion South, Lagawe, Ifugao nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang namatay na biktima na si Ben Humiwat, 56 at idineklarang dead-on-arrival sa ospital sanhi ng malubhang sugat na tinamo sa katawan. Kritikal naman ang kondisyon ni Richard Sobrepena, 46 anyos, driver ng dump truck. Masuwerte naman na hindi nasugatan si Rodrigo Villanueva.
Kabilang pa sa mga nasugatan na patuloy na nilalapatan ng lunas sa pagamutan ay nakilala namang sina Edwin Baltazar, 52; Jay-ar Moya, 16; Henry Dangan, 39; Kevin Alvarez, 19; Homer Nehis, 23 ; Rainier Dagdag, 22; pawang ng Bayombong, Nueva Vizcaya at Leopoldo Ong, 27 anyos.
Sa imbestigasyon ng pulisya ang insidente ay naganap dakong alas-6 ng gabi, habang bumabagtas ang truck (BAM 699) sa matirik na bahagi ng highway ng nasabing lugar. Bigla na lang umanong nawalan ng kontrol sa manibela ang driver at saka nahulog sa 30-metrong lalim ng bangin.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naganap na sakuna.