MANILA, Philippines – Natagpuang patay ang isang polio victim na barangay treasurer nang pasukin ang kanyang bahay ng magnanakaw at pagsasaksakin kamakalawa ng gabi sa Quiapo, Maynila.
Ang nasawi ay kinilalang si Arlene Mediavilla, 39-anyos, treasurer ng Barangay 390, Zone 40, District 3 at residente no.913 R. Hidalgo St., Quiapo.
Sa salaysay ng kaibigan ng biktima na si Sarah Torres dakong alas-9:45 ng gabi ay nagtungo siya sa bahay ng biktima upang makipagkuwentuhan nang sa pagbungad niya sa pinto ay nakakalat ang mga kagamitan habang ang biktima ay nakahandusay at naliligo sa sariling dugo.
Sinabi rin ng mga kapitbahay sa pulisya na wala silang narinig ng anumang komosyon.
Hinala ng pulisya na posibleng nanlaban ang biktima sa mga suspek na pumasok sa kanyang bahay.