MANILA, Philippines - Matapos na umubo na may bahid ng dugo dahil sa lumalalang sakit nitong pneumonia ay isinugod sa Makati Medical Center si Senador Juan Ponce Enrile.
Batay sa ulat, dakong alas-3:00 ng madaling araw kahapon nang isugod si Enrile sa nasabing ospital mula sa PNP General Hospital sa Camp Crame.
Ayon kay Philippine National Police-Public Information Office (PNP-PIO) chief Generoso Cerbo, batay na rin sa impormasyon mula sa PNP Health Services, kinailangang ilipat ng ospital si Enrile mula sa PNP General Hospital dahil sa pneumonia.
Binanggit naman ni Cerbo na may standing resolution ang Sandiganbayan na kung emergency cases, maaaring ilipat ang akusado sa ibang ospital.
Sa mga nakalipas na araw, mataas anya ang lagnat ng senador at umuubong may dugo.
Magugunitang Setyembre nang pagbigyan ng Sandiganbayan Third Division ang hirit na hospital arrest ni Enrile sa PNP General Hospital sa loob ng Camp Crame sa Quezon City.
Nahaharap si Enrile sa mga kasong plunder at graft dahil sa multi-bilyong pork barrel scam na kung saan ay sabit din sina Senators Ramon “Bong” Revilla Jr. at Jinggoy Estrada na kapwa nakapiit sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.