Misis ni Enzo, kakasuhan ng murder

Si Dahlia Pastor na suspek din sa insidenteng pagpaslang kay Enzo. File photo

MANILA, Philippines - Pinakakasuhan ng Department of Justice (DOJ) ang maybahay ng pinatay na car racer na si Enzo Pastor.

Sa 13-pahinang reso­lusyon ng panel of prosecutors, nakakita ng probable cause para kasuhan ng parricide si Dahlia Guererro Pastor at murder naman sa negosyanteng si Domingo “Sandy” De Guzman na sinasabing karelasyon ng una.

Una nang kinasuhan ng DOJ ng murder sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) ang gunman na si PO2 Edgar Angel.

Matatandaan  na  Hunyo 12, 2014  nang pagbabarilin si Enzo at assistant nitong si Paolo Salazar habang patu­ngong Clark para sa final leg  ng  kompetisyon ng Asian V-8 Championship ng riding in tandem sa panulukan ng Visayas at Congressional Avenue sa Quezon City.

Sa pahayag ni  Salazar, nakahinto sila nang lapitan sila ng mga suspek at pa­putukan ng ilang  beses si Enzo.

 Ang pulis naman na si PO2 Angel ay nangumpisal na siya ang gunman sa utos ni De Guzman.

Sinasabi namang may relasyon sina  De Guzman at Dahlia kaya lumilitaw na “love triangle” ang motibo ng pamamaslang.

Show comments