5 paslit tupok sa sunog

File photo

MANILA, Philippines - Natusta ang katawan ng limang paslit na magkakapatid nang  aksidenteng makulong ng apoy sa loob  ng nasusunog na bahay sa Barangay  Capinonan, Cabanglasan, Bukidnon kamakalawa ng gabi.

Sa report ng pulisya tinupok  ng apoy ang bahay ng mag-asawang Richie Linggoyan, 30 at Anabel, dakong alas-7:00 ng gabi  sa Purok 13, Sitio Bangkal, Brgy. Capinonan ng bayang ito.

Nagkataon namang natutulog ang limang anak ng mag-asawang Linggoyan na sina  Dolorisa, 11; Glen, 10; Harold Jay, 5; Anarel, 3 at Arian, 2;  sa loob ng kanilang tahanan ng mangyari ang sunog.

Ayon sa imbestigasyon,  iniwan ng mag-asawa dakong alas-5 ng hapon  ang mga biktima  at pinagsabihan na matulog na ang mga ito. Nagtungo umano ang mag-asawa  sa sari-sari store upang mag-videoke at uminom ng alak.

Nagawa namang makaligtas ng 12-anyos na panganay ng mag-asawa na si Angelo matapos na iwanan ang mga biktima  para sunduin sa inuman ang mga magulang.

Nagresponde sa sunog ang mga elemento ng Cabanglasan Police at Bureau of Fire Protection (BFP) at narekober ang sunog na bangkay ng magkakapatid na halos hindi na makilala sa grabeng pagkatusta ng katawan ng mga ito.

Pinaniniwalaan naman ang natumbang gasera sa sala na tinutulugan ng magkakapatid ang pinagmulan ng sunog habang patuloy pa ang pagsisiyasat sa kasong ito.

Show comments