MANILA, Philippines – Naalarma ang prosekusyon sa natanggap nilang ulat tungkol sa pagdalo ni Senador Bong Revilla Jr., sa ika-91 kaarawan ng kapwa nito akusado sa pork barrel scam at suspendido na si Senador Juan Ponce Enrile noong Pebrero 14.
Ayon sa prosekusyon na hinala nila na nabigyan ng special treatment si Revilla habang nakakulong sa PNP Custodial center sa Camp Crame dahil nakakalabas ito ng kulungan.
Sinabi ng prosekusyon na hindi na dapat pagbigyan si Revilla sa mga hiling nito na makapag pa-hospital check-up dahil maaaring ginagamit din ito ng mambabatas para makapunta sa iba’t ibang lugar.
Binigyang diin ng prosekusyon na alinsunod sa batas, ang isang akusado ay maaari lamang makalabas ng kulungan kung may pag-apruba ng korte.
Nabatid na si Revilla ay lumabas umano ng PNP Custodial Centernoong Feb. 14, 2015 para dumalo sa birthday ni Enrile sa PNP General Hospital kasama ang anak nitong si Cavite Vice governor Jolo Revilla nang walang pahintulot ang korte.
Ang PNP General Hospital ay may 200 metro ang layo sa PNP Custodial Center kung saan nakakulong si Revilla at Senador Jinggoy Estrada na akusado rin sa kasong graft at plunder na may kinalaman sa pork barrel scam.
Ayon kay Office of the Special Prosecutor Dir. Joefferson Toribio, isang “serious violation of the court’s order” ang ginawa ni Revilla na nakuhaan pa umano ng litrato sa ospital kung nasaan nakapiit si Enrile.
Ngunit sagot ng kampo ni Revilla, bagama’t totoong nasa ospital siya noong Pebrero 14, dinala siya doon dahil sa iniindang “cold sweats, stiffness and pain on the back and neck, as well as debilitating migraine.”
Hindi aniya siya pumunta sa kwarto ni Enrile lalo’t 30 minutos lang siya sa ospital.